Nagdulot ng kasiyahan sa mga netizen ang TikTok video ng bagong kasal na mag-asawa na nagpapamahagi ng mga sibuyas sa kanilang mga imbitadong panauhin, bilang giveaways.

Ang naturang TikTok video ay inupload ng mismong wedding coordinator na si "Aldrik Gohel" ng "Moments by Ruffa", at ang kasal ay ginanap nitong Martes ng Enero 24 sa Aquila Crystal Palace, Tagaytay.

“Onion” kita!: Kumpol ng sibuyas, ginawang bouquet sa isang kasal

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online kay Aldrik, ang bagong kasal ay sina "Jayson at Lorellei Saplala." Aniya, family business umano ng bride ang sibuyas mula sa Ilocos Sur, at upang maiba naman daw at gawing unique ang giveways, naisipan nilang ipamigay ang sibuyas lalo't mahal ang presyo nito ngayon.

"Para makatulong din sila sa mga guests dahil nga po mahal ang sibuyas," anang wedding coordinator.

"Hayun, sold-out!" natatawang saad pa niya.

Ayon naman sa panayam ng Balita Online sa bride na si Lorellei, masayang-masaya sila ni Jayson dahil natuwa ang kanilang mga panauhin sa naisip nilang gimmick.

"Nakakatuwa at sobrang saya ng mga bisita sa sibuyas, at yun kasing sibuyas ang madami kami kaya para makatipid, ginawa naming giveaways," sey ni Lorellei.

Malaki ang pasasalamat ng mag-asawa sa "Parabola Flowers" na nag-set-up ng kanilang sibuyas giveaways sa venue ng kanilang reception.

Jayson at Lorellei Saplala (Mga larawan mula kay Lorellei Saplala)

Matatandaang sa ibang balita, isang bride naman ang gumamit ng sibuyas bilang bouquet niya sa kasal, sa halip na mga bulaklak.