Good vibes ang naging hatid ng post ng netizen na si Jennyrose L. Del Mundo ng Binangonan, Rizal, tampok ang kaniyang alagang aso na nakasakay sa motor at tila ayaw magpaiwan sa bahay.

“Gusto niya lagi sumama, kaso sakop niya upuan🤣🤣😅,” caption ng post ni Del Mundo.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Del Mundo na mahilig talagang sumama ang kaniyang asong si “Whiskey” tuwing may pupuntahan sila gamit ang motor.

Nang mangyari ang nasa larawan, bibili lamang daw sila ng ate niya ng panregalo.

Kahayupan (Pets)

Chimpanzee, 7 buwan kinarga naaagnas na labi ng namatay na anak bago binitiwan

Pero dahil mapilit at gusto na namang sumakay sa motor si Whiskey, iniharang niya ang kaniyang ulo sa daan at panay ang kahol sa kanila. Hindi raw ito tumigil hangga’t hindi naisakay sa motor.

“Sinakay po namin siya tapos pinaandar lang po nang kaunti [‘yung motor] para masiyahan siya,” natatawang sabi ni Del Mundo.

Tuwang tuwa naman ang mga netizen sa nasabing larawan.

“Parang masama ‘yung tingin sa nasa likod niya. Bumaba na ka daw po. Nasisikipan sya.🤣” pagbibiro ng isang netizen.

“Paki-atras pa raw ateng na nasa likod. Naiipit daw sya. 😂😂” sabi naman ng isa.

“Siya na lang daw magda-drive☺️☺️,” hirit pa ng isang netizen.

Sa ngayon ay mahigit 300 na ang natatanggap na reactions ng nasabing post.