Usap-usapan ngayon sa TikTok ang ilang litrato ng social media personality na si "Pambansang Kolokoy" o Joel Mondina kung saan kasa-kasama niya ang isang babaeng sapantaha ng mga netizen ay ipinalit niya raw sa estranged wife na si Marites Mondina.

Matatandaang isiniwalat ni Joel na wala na sila ni Marites noong 2022. Inamin din niyang may ibang babae nang nagpapatibok sa kaniyang puso.

Vlogger na si 'Pambansang Kolokoy', aminadong hiwalay na sa misis; masaya na sa piling ng iba

Makikita sa TikTok account na "kainuschismis" ang ilang mga screenshots kay PK kasama ang kaniyang baby, at ang umano'y isang babaeng naka-shades at naka-face mask.

Bagama't hindi matukoy kung sino ang babaeng ito, diretsahang mababasa sa hashtag ng TikTok account ang pangalan ng komedyanteng si "Gladys Guevarra".

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento ng mga netizen.

"Oo siya nga boses pa lang Gladys Guevarra na."

"Sabi ko na eh… kaboses na kaboses talaga pati height eh… tsaka yung kilay niya.. haha.. nasa Amerika rin si Gladys ngayon eh tingnan n'yo last vlog niya."

"Baka naman nag-collab lang. Maisyu kayo! Parang ganyan din kay Mystica."

"Di ba may asawa na si Gladys?"

"Baka kamukha lang…"

"Grabe mga radar ng Marites! Wait ninyong lumantad sila o mag-confirm."

Matatandaang na-link din si PK kay singer-performer-actress Mystica subalit nilinaw ng vlogger na magkaibigan lamang sila.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag sina Pambansang Kolokoy at Gladys tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita Online sa kanilang panig.