Inisa-isa ng social media influencer na si Zeinab Harake ang mga naging kaganapan sa kaniyang buhay noong 2022, sa kaniyang latest vlog na 'TNX 2022!' nitong Enero 4. Isa na nga rito ang muntikan na niyang burahin ang kaniyang YouTube channel.

Sa pagbabalik-tanaw sa mga kaganapan sa nakaraang taon 2022, aminado ang vlogger na parang naging roller coaster sa hirap ang kaniyang mga pinagdaanan noong nakaraang taon dahil sa kaliwa't kanang isyu na hinarap at isa rito ay ang pagiging single mom.

Matatandaang sinimulan ni Zeinab ang kaniyang YouTube channel noong 2019 at ibinahagi ang mga pangyayari sa kaniyang buhay sa pamamagitan ng mga video blog.

Kuwento niya, dumating umano siya sa puntong gusto na niyang i-delete ang kaniyang account dahil sa sobrang toxic nito.

National

Maza kay VP Sara: 'Hindi ikaw ang bida dito kundi ang taumbayang kinauutangan mo!'

"Meron akong moment na gusto kong i-delete 'yung channel ko. Talaga! Sabi ko, ayaw ko ng media. Sobrang toxic na nito. Hindi ko na alam paano i-explain nang paulit-ulit 'yung sarili ko." anang influencer.

Aniya itinuloy niya ang paggawa ng content dahil sa kaniyang fans na mas kilalang 'Zebbies' na simula pa noong 2019 hanggang noong 2022 ay walang sawang sumuporta sa kabila ng kaliwa't kanang isyung ipinukol sa kaniya.

"Sa mga Zebbies ko, simula noong 2019 hanggang sa nagstay kayo noong 2022, maraming-maraming salamat. Hindi niyo alam kung paano ko kayo tinignan nung mga times na gusto kong sumuko." saad niya.

Dagdag pa niya, mayroon rin siyang mga mensahe na natatanggap katulad ng, "nakakawala ng anxiety" sa social media ukol sa nagiging epekto ng paggawa niya ng mga content.

"Yung mga nag me-mention sa'kin sa Instagram na ikaw po yung nagtatanggal ng anxiety ko, wala ka pa po bang videos para sumaya na ako. So, yun talaga yung pinagkapitan ko."

Kung kaya't laking pasasalamat ng influencer sa kaniyang followers at subscribers at sinabing, "Kung hindi dahil sa inyo, this 2023 wala na kayong videos na mapanood, kung hindi niyo ako pinukpok at ipa-realize sa'kin na ganiyan ka tignan ng mga tao, ok lang nandito kami para sa'yo."

Sa mga huling vlogs niya noong 2022, ipinakita ni Zeinab ang pagpapahalaga sa sarili lalong-lalo na rin sa kaniyang pamilya. Aniya, patuloy siyang gagawa ng mga content ngayong taon nang may kabuluhan at may matutunan ang mga viewers nito.