Nangangamba ang mga grupo ng mga magsasaka sa bansa sa posibleng pagdagsa ng imported na sibuyas na itatapat sa anihan sa Pebrero.
"Bago po sana umangkat, magkaroon po ng isang talakayan 'yung katulad naming mga maliliit na samahan ng mga magsasaka nang maintindihan ng mga magsasaka kung bakit at paano,” sabi ni Victor Layug, chairperson ngPESA Onion and Vegetable Farmers Associationsa panayam sa telebisyon.
“Katulad nga ng sinasabi nilang 22,000 metric tons na ano almost 800 box 'yan. Sobrang dami naman niyan. Kawawa naman 'yung local na sibuyas natin, wala nang magiging presyo niyan,” pahayag naman ng magsasakang si Roberto Carina.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Kristine Evangelista na "walang pang pinal na desisyon sa planong importasyon.
Nangako ang opisyal na kokonsultahin muna nila ang mga magsasaka bago sila magdesisyon sa usapin.
“‘Pag dumating ang imported na sibuyas, paano po makaka-compete ang ating mga farmers? Kaya pinag-uusapan paano niyo mapapababa ang presyo knowing na 'pag dumating ang imported, mas mura 'yan compared sa local,” sabi pa ni Evangelista.
“Ngayon parami na ang ani. Saan mapupunta 'yan kundi babagsak ang presyo?” dagdag naman ni Carina.