Mag-aagawan ang Ginebra San Miguel at Bay Area Dragons sa 3-2 bentahe sa PBA Commissioner's Cup Finals series sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong Enero 8, dakong 5:45 ng hapon.
Inaasahang hindi na ibibigay ng Gin Kings ang Game 5 upang makalapit sa hinahangad na korona.
Sariwa pa sa Ginebra ang kanilang pagkatalo nitong Biyernes kahit hindi naglaro ang import ng Bay Area na si Andrew Nicholson matapos magkaroon ng pilay sa kaliwang bukung-bukong na nakuha nito sa Game 3.
Labis ang panghihinayang ni Gin Kings head coach Tim Cone sa pagkabigo nila sa Game 4 kaya naitabla ng Dragons ang serye sa 2-2.
Sa kabila nito, nangako si Cone na gagawin nila ang lahat upang manalo sa Game 5, lalo pa't inaasahang hindi makalalaro si Nicholson.
Sa naturang laban, rumatsada nang husto ang point guard na si Kobey Lam matapos humakot ng 30 puntos, kabilang ang walong tres na nagpahirap sa depensa ng Ginebra.
Nag-ambag din sa pagkapanalo ng Dragons sina Glen Yang, Chinese forward Zhu Songwei at ang7'5" center na si Liu Chuanxing.