Patay ang isang miyembro ng New People's Army (NPA) at isa pa ang nasugatan matapos makasagupa ng grupo ng mga ito ang tropa ng gobyerno sa Butuan City, Agusan del Norte nitong Biyernes ng hapon.

Sa pahayag ng 65th Infantry Battalion (65IB) ng Philippine Army, rumesponde ang mga sundalo dahil sa impormasyong namataan ang mga armadong rebelde sa boundary ng Barangay Taligaman at Bugsukan.

Pagdating sa lugar, pinaputukan umano ng mga rebelde ang mga sundalo kaya nagkaroon ng 20 minutong sagupaan.

Tumakas ang iba pang rebelde at iniwan ang napatay na kasamahan at isa pang nasugatan na isinugod sa isang ospital sa Butuan City.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Inaalam pa ng militar ang pagkakakilanlan ng dalawang rebelde.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang dalawang AK47 rifles, isang M16 Armalite rifle, isang M203 grenade, iba't ibang bala, limang mobile phone, at mga personal na gamit.

Kaugnay nito, nanawagan si 65IB commander, Lt. Col. Michel Mortejo, sa iba pang rebelde na magbalik-loob na sa pamahalaan upang matulungan sila sa pagbabagong-buhay.

Philippine News Agency