Dead on the spot ang isang call center agent nang mahulog na sa sinasakyang tricycle at masagasaan ng dump truck sa Brgy. Sta. Lucia, Pasig City nitong Biyernes ng gabi.

Patay ang biktimang si Rochelle Mae Belmonte, 27, isang call center agent matapos na malasog umano ang kaniyang katawan dahil sa aksidente.

Arestado naman ang suspek na sina Elias Danque, 52, driver ng tricycle na sinasakyan ng biktima habang nakatakas ang 'di pa kilalang driver ng truck na nakasagasa sa biktima.

Pinipigil naman ng mga otoridad ang assistant driver ng truck na si Gilbert Atule.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Batay sa ulat ni PSSg Edwin DG Cruz, ng Vehicle Traffic Investigation Unit (VTIU) ng Pasig City Police, nabatid na dakong alas-11:50 ng gabi nang maganap ang aksidente sa northbound ng Eastbank Road sa Brgy. Sta Lucia, Pasig City.

Nauna rito, sakay umano ang biktima ng tricycle na plate no. NO 25408 at minamaneho ni Danque, at bumabaybay sa naturang lugar.

Tinatahak umano nila ang direksiyon ng Amang Rodriguez Avenue, kasunod ang dump truck, na may plakang NBF-4678.

Pagsapit umano sa naturang lugar ay lumiko umano pakanan ang tricycle upang iwasan ang isang lubak sa lugar.

Dahil dito, nalaglag ang biktima sa kalsada at nakaladkad pa ng tricycle.

Nang makabitaw sa tricycle, nasagasaan pa ng truck ang biktima na nagresulta sa agaran nitong kamatayan.