May payo na ang kapwa ama, at talent manager na si Ogie Diaz sa magkakapatid na sina Dani, Julia, Claui, at Leon Barretto na patuloy na nagsasara ng pinto para sa amang si Dennis Padilla.

Matapos makumpirma na hindi nga nakatanggap ng pagbati pabalik si Dennis, tila ipinagtataka ngayon ni Ogie ang aniya’y “napakalalim na sugat” na maaaring naidulot nga ng ama sa magkakapatid.

Matatandaang sa naging bukas na liham ni Leon para sa ama noong Hunyo 2022, ipinunto nito ang aniya’y pananakit ni Dennis sa kanilang magkakapatid gamit ang simpatya ng publiko.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Gayunpaman, tila hindi naman sapat na dahilan ito para kay Ogie dahilan para nga sa ‘di pagbati ng magkakapatid sa ama nitong nagdaang Pasko.

“Pwede bang maghilom na lang ang sugat alang-alang sa Kapaskuhan. Tatay naman nila ‘yun at ‘di maiaalis [at] pagbali-baliktarin man ang mundo, tatay nila ‘yan,” anang manager sa pinakahuling showbiz update sa YouTube, Miyerkules.

“Suggestion ko lang bilang tatay sa kanila: Batiin niyo. Mga anak, batiin niyo,” dagdag ni Ogie.

“Huwag na kayong maghintay ng ‘go’ signal sa nanay niyo na kung babatiin niyo o hindi—batiin niyo. Alam niyo kung bakit? Whatever happens to Dennis tapos saka kayo iiyak; saka kayo manghihinayang; saka kayo magpo-post ng pagmamahal niyo kay Dennis; saka kayo magpo-post ng panghihinayang niyo kung bakit may nangyaring masama kay Dennis, hindi na ‘yan mababasa ni Dennis,” pagpipinta ng manager ng isang senaryo.

“Hindi niyo naman kailangan maging close sa tatay niyo. At least civil man lang,” segunda ni Mama Loi na ginatungan agad ni Ogie pabor sa “nag-e-effort” naman umanong ama.

“Di niyo man lang kumbaga sinusuklian. Edi batiin niyo lang, tapos na,” dagdag ni Ogie na isa ring ama.

“Diyos ko ‘yung ngang iba, sinasaktan pa physically pero alam mo ‘yung lumalapit na ‘yung tatay na nanakit parang lumalambot na ‘yung mga anak,” pagpapatuloy ni Ogie.

“Seriously speaking, babatiin lang naman.”

Dagdag din na ipinaalala ni Ogie sa mga Barretto ang aniya’y “nakatutok” na publiko sa oras na may masamang mangyari kay Dennis.

Naniniwala naman si Mama Loi na paraan din ng paggalang ang pagbati pabalik sa mga mahal sa buhay lalo na tuwing may okasyon kagaya ng Pasko.

Basahin: Dennis Padilla, umasa pa lang mababati man lang ng mga anak kamakailan: ‘Total Pasko naman’ – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Gayunpaman, hindi pa rin nawawala ang ilan pang mga katanungan sa isyu ng kontrobersyal na pamilya, ani Ogie.

“Hindi pa rin natin alam ‘yung kinikimkim ng Barretto siblings ng kanilang ama kasi baka may napakabigat na dahilan, kaya lang hindi natin maintindihan kasi hindi natin alam,” aniya.

“Dapat pinaliliwanag nila,” suhestyon ng talent manager.

Sa huli, dalangin ni Ogie ang panunumbalik ng pagmamahal ng magkakapatid na Barretto para sa amang si Dennis.