CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Naiwasan ang nagbadyang power shutdown sa Occidental Mindoro na nakatakda sana sa pagsisimula ng taon matapos mangakong makialam na ang National Electrification Administration (NEA) para sa agarang pagpapalabas ng subsidy ng gobyerno sa isang hindi nasisiyahang power provider sa lalawigan.
Sinabi ni NEA Administrator Antonio Mariano C. Almeda sa pangulo ng Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (OMCPC) sa isang pulong kamakailan na hihilingin niya sa National Power Corp. (NPC) na pabilisin ang pagbabayad ng subsidy na nagkakahalaga na ngayon ng milyong piso na kukunin sa Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) na kinokolekta ng huli mula sa lahat ng electric consumers sa Luzon.
Bilang tugon, nangako si Luis Manuel Banson, OMCPC president, na hindi na itutuloy ang kanilang nakatakdang shutdown nitong Enero 1.
Noong Disyembre 22, sinabi ni Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) acting general manager Cesar Faeldon na nakatanggap sila ng liham mula sa OMCPC na nagpapaalam sa kanila na ang bunker-fired power plant ng IPP ay hindi na maaaring magpatuloy sa pag-operate dahil sa matinding kakulangan ng pondo para sa pagbili ng gasolina.
Kaakibat ng suliraning ito, ipinaalam din ng NPC sa OMECO na ang 10-megawatt generator set nito sa Pulang Lupa, Occidental Mindoro ay tumigil na sa operasyon sa pagtatapos ng kontrata nito noong Disyembre 31.
Ang Occidental Mindoro ay may maximum load demand na 24.51 Megawatt (MW) ngunit sa kasalukuyang problema, ang power supply ay naka-pegged sa 21 MW na nagreresulta sa isang -3.51 MW deficit.
Tumulong ang Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) nang mag-export ito ng kabuuang 6.52 MW surplus power sa Occidental Mindoro noong nakaraang buwan sa pamamagitan ng 69 kilovolts transmission line ng NPC sa Magbay at Mamburao.
Jerry Alcayde