Sumakabilang-buhay na ang kabiyak ng aktor na si Andrew Schimmer ayon sa kaniyang latest Facebook posts ngayong Martes, Disyembre 20, limang araw bago ang Kapaskuhan.

"The Love of my Life…my wife..my best friend.. my partner in everything. Remember your promise, together forever," caption ni Andrew sa kaniyang FB post kalakip ang litrato ng mga kamay nila ng yumaong asawa.

Andrew Schimmer, humiling ng dasal para sa misis na isang taon nang nakaratay sa sakit

Bumuhos naman ang pakikiramay ng mga netizen sa comment section ng kaniyang posts.

Ipinangako ni Schimmer na bibigyan niya ng pagkakataon ang mga tao na masilayan sa huling pagkakataon ang kaniyang yumaong asawa.

Nobyembre 1, 2021 nagsimulang maospital ang kaniyang misis, isinugod sa ospital si Jorhomy “Jho” Rovero dahil sa matinding asthma attack, na nagresulta sa atake sa puso at brain hypoxemia.

Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa pagdalaw ng kanilang anak sa kaniya habang nakaratay sa kama ng ospital.

Simula Day 1 ay lagi nang nagbibigay ng update ang aktor sa kalagayan ng kaniyang misis.

Nitong Oktubre 31, 2022 ay humingi ng dasal sa publiko ang aktor dahil isang taon na ang nakalilipas simula nang maospital ang misis. Nang mga sandaling iyon ay nasa comatose stage si Jho.