Nasa 10 indibidwal ang nagpopositibo sa Human Immunodeficiency Virus (HIV) kada buwan sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC) Treatment Hub.

Ito ang isinapubliko ni ZCMC Treatment Hub officer-in-charge Dr. Sebar Sala nitong Huwebes.

Sa naturang ospital aniya isinasagawa ang confirmatory test sa mga pinaghihinalaang kaso ng HIV.

“We can immediately determine whether a patient is HIV positive or not,” pagbibigay-diin ni Sala.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Paglilinaw ni Sala, dati ay inaabot pa ng ilang buwan bago lumabas ang resulta ng pagsusuri dahil ipinadadala pa ang specimen sa Sexually Transmitted Diseases- Acquired Immunodeficiency Syndrome (STD-AIDS) Cooperative Center Laboratory sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Kaugnay nito, nakikiusap naman si Sala sa populasyong madaling mahawaan ng sakit na sumailalim na sa HIV test.

“HIV is not a death sentence, it is very important to get tested as early as possible because once we diagnose them, the progress of HIV can be prevented,” paliwanag ni Sala.

Sinisira aniya ng virus ang immune system ng isang tao at kung hindi kaagad gamutin ay hahantong ito sa AIDS.

Sa datos ng Department of Health (DOH), halos 13,000 kaso ng sakit ang naitala mula Enero hanggang Oktubre.

Pangunahing nakukuha ang sakit sa pamamagitan ng sexual contact o pakikipagtalik, ayon pa sa DOH.

Philippine News Agency