Wawasakin ng Bureau of Customs (BOC)-Zamboanga City ang halos₱400 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo na nasamsam sa sunud-sunod na operasyon sa iba't ibang lugar sa Mindanao.

Sinabi ng BOC-Port of Zamboanga, aabot sa₱395 milyon ang nakatakdang wasakin sa Pavillion, Dao sa Pagadian City at sa Customs-rented warehouse sa Barangay Baliwasan, Zamboanga City.

Ibababad muna umano sa tubig ang 11,219 kahon ng iba't ibang brand ng sigarilyo bago ipasira sa payloader.

Pagkatapos nito, itatapon ang mga sigarilyo sa isang sanitary landfill sa Brgy. Salaan.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ang mga smuggled na sigarilyo ay kinumpiska sa magkakahiwalay na anti-smuggling operations sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi nitong Mayo hanggang Nobyembre.

Matatandaang aabot sa ₱110 milyong puslit na sigarilyo ang sinira na ng mga awtoridad sa Port of Zamboanga nitong nakaraang Mayo.