Nabuo na bilang bagyo ang namataang low pressure area (LPA) sa bahagi ng Catanduanes nitong Sabado ng umaga.

Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) dakong 11:00 ng umaga,  pinangalang "Rosal" ang naturang bagyo na huling namataan 110 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Virac, Catanduanes o 315 kilometro silangan ng Infanta, Quezon.

Taglay ng bagyo ang hanging 45 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna, at bugsong hanggang 55 kph.

Kumikilos ang bagyo pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ng PAGASA, ang mga lugar na saklaw ng 150 kilometro mula sa gitna ng bagyo ay apektado ng malakas na hangin.

Kabilang naman sa isinailalim sa Signal No. 1 ang Catanduanes, eastern portion ng Camarines Sur (Caramoan, Presentacion, Garchitorena, Lagonoy, San Jose, Tigaon, Sagñay), at ang eastern portion ng Albay (City of Tabaco, Bacacay, Rapu-Rapu, Malilipot, Malinao, Tiwi).

Inaasahang maaapektuhan ng matinding pag-ulan ang Bicol Region, Quezon, MIMAROPA (Region 4B), Western Visayas, Aurora at natitirang bahagi ng CALABARZON (Region 4A) at Visayas.

Nagbabala rin ang PAGASA dahil sa inaasahang flashflood at landslide sa mga tinukoy na lugar.