Umapela si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga doktor na naglilingkod sa lungsod na maglaan sila ng oras upang dalawin ang mga senior citizens at bedridden na mga residente, o yaong hindi na kayang pumunta ng ospital para magpagamot.

Nabatid na si Lacuna, na isa ring doktor, ay ginugugol ang kanyang mga bakanteng oras sa pagsasagawa ng regular na door-to-door visits sa mga seniors at bedridden.

Nagbibigay rin ang alkalde ng free consultation, medical assistance, wheelchairs kung kinakailangan at iba pang serbisyong medikal.

Nabatid na isinasagawa ng alkalde ang pagbisita sa mga pasyenteng residente, bilang bahagi na rin ng 'Kalinga sa Maynila' forum na regular na isinasagawa sa ibat-ibang barangay sa lungsod.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Kasama ng alkalde sa nasabing forum sina Vice Mayor Yul Servo-Nieto, Congressmen at City Councilors na kumakatawan sa distrito kung saan ginagawa ang pagtitipon. Naroon din ang mga opisyal ng City Hall. 

Nagpahayag rin ng pagkabahala ang lady mayor na may mga senior citizens at  bedridden patients ang hindi na nagtutungo sa ospital  at nagse-self-medicate na lang.

Ayon pa sa alkalde, ang masaklap ay patuloy ang mga ito sa paggamit ng gamot na matagal nang nireseta sa kanila.

Dahil dito ay pinayuhan ng lady mayor ang mga pasyente na itigil na ang paggamit ng mga gamot na matagal ng nireseta sa kanila at hinikayat ito na magpa- checkup at magpagamot. 

"Lagi kong hinihikayat na sila ay magpa-checkup dahil kadalasang nangyayari na di na sila nakakabalik na sa ospital so kung ano ang iniinom nilang gamot, kahit di na sila nagpapa-check up tinutuloy na lang nila di na sila nagpapa-checkup.  'Wag po natin gagawin 'yun," sabi ni Lacuna.

 "Ang pinakamainam po nating gawin, tiyagain po natin dalhin natin ang mga kamag-anakan sa mga health center pa check up natin tutal minsan lang naman 'yan baka kailangan na palitan ang kanilang gamot o baka di na akma sa kanila o baka may kailangang gawing laboratoryo para sa kanila," dagdag pa ng alkalde.