Hindi pa rin makumpirma ng Philippine National Police (PNP) kung buhay pa ang 34 na nawawalang sabungero.

“Sa ngayon, we cannot confirm kung merong proof of life because so far 'yung mga cellphone, mga pieces of evidence lang ang unti-unti nating naa-unearth. We expect for the worst,” pagdidiin ni PNP chief General Rodolfo Azurin, Jr. sa isinagawang pulong balitaan nitong Lunes.

Gayunman, nangako si Azurin na mabibigyan ng hustisya ang pagkawala ng mga sabungero kahit ano pa ang nangyari sa mga ito.

Matatandaang inihayag ng PNP na wala pa silang matibay na impormasyon upang matunton ang mga sabungero na naiulat na nawawala noong 2021.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kamakailan, naglabas ang pulisya ng composite sketches ng dalawa sa mga suspek sa pagkawala ni Michael Bautista, isa sa 34 na nawawalang sabungero, na taga-Laguna.

Kinasuhan na rin ng asawa ni Bautista ang isang Julie Patidungan, alyas "Dondon" at isang hindi pa nakikilala, kapwa nagtatrabaho sa AA Cobra Farms sa Sta. Cruz, Laguna.

Sa isang video na hawak ng pulisya, nahagip si Bautista na nakaposas habang inilalabas umano ni Patidungan at ng isa pang lalaki mula sa isang sabungan sa Santa Cruz. Laguna noong Abril 28, 2021.