Patay ang isang batang babae nang masagasaan ng isang sport utility vehicle (SUV) habang tumatawid sa kalsada sa Baras, Rizal noong Sabado ng gabi.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Cabading Hospital ang biktimang nakilalang si Nicole Joy Lejano, 12, residente ng Brgy. Pinugay, Baras dahil sa matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.

Samantala, hawak na ng mga otoridad ang driver ng SUV na si Roldan James at mahaharap sa kaukulang kaso sa piskalya.

Batay sa ulat ng Baras Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-8:50 ng gabi nang maganap ang aksidente sa Marilaque Highway sa Brgy. Pinugay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na binabagtas umano ni James, sakay ng kanyang SUV, ang Marilaque Highway mula Tanay, patungong Antipolo City, nang bigla na lang umanong tumawid ng kalsada ang biktima.

Dahil dito, hindi na nakapagpreno at nakaiwas ang driver at nasagasaan ang biktima na tumilapon sa sementadong kalsada.

Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit binawian rin ng buhay dakong alas-9:32 ng gabi.