Patay ang isang lalaki nang barilin umano ng nakaalitan sa loob ng isang resto bar sa Antipolo City nitong Miyerkules ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Rizal Provincial Hospital ang biktimang kinilalang si Baldwin Compaction dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Samantala, nakatakas naman at tinutugis na ng mga otoridad ang mga itinuturong suspek sa krimen na nakilalang si Marvin Reamico, na umano'y siyang bumaril sa biktima; gayundin ang kanyang mga kasamahan na sina alyas 'Jerome', alyas 'Balbas', alyas 'Tayong', at alyas 'Totoy.'

Lumilitaw sa ulat ng Antipolo City Police Station, na dakong alas-2:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng isang resto bar sa Circumferential Road, sa Brgy. Dalig, Antipolo.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Nauna rito, masayang nag-iinuman ang biktima at kanyang mga kaibigan sa loob ng resto bar nang sa 'di pa batid na kadahilanan ay naka-argumento nila ang grupo ng mga suspek, na noon ay nag-iinuman naman sa kabilang mesa.

Nauwi ang alitan sa suntukan hanggang sa bumunot ng baril si Reamico at binaril si Compaction.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay mabilis nang tumakas ang gunman at kanyang mga kasamahan.

Isinugod naman ng kanyang mga kaibigan ang biktima sa pagamutan ngunit hindi na umabot pa ng buhay.