Patay ang isang lolo habang sugatan naman ang isang lola, nang mahagip at masagasaan ng dalawang magkasunod na tricycle habang naglalakad sa kalsada sa Ermita, Manila nitong Lunes.

Dead on arrival na sa Philippine General Hospital ang biktimang si Jesus Garcia, 73, habang sugatan naman si Elizabeth Garcia, 68, kapwa residente ng Altura Extension sa Sta Mesa, Manila.

Samantala, arestado at mahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide with physical injury ang mga suspek na sina Paul Patrick Lacanaria, 34, at Alfredo Acedilla, 56, kapwa ng Port Area, Manila.

Batay sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-9:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa eastbound lane ng Kalaw Avenue, tapat ng Manila Doctors Hospital sa Ermita.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Kasalukuyan umanong naglalakad sa kalsada ang mga biktima nang bigla na lang silang mahagip ng tricycle na minamaneho ni Lacanaria.

Dahil dito, nabuwal sa kalsada ang mga biktima at minalas na masagasaan ng kasunod na tricycle na minamaneho naman ni Severino.

Kaagad naman silang naisugod sa pagamutan ng mga rescuers ngunit hindi na umabot ng buhay si Jesus.