Isang pasahero na kabababa lamang ng tricycle ang patay nang mabundol ng isang sasakyan sa Antipolo City nitong Sabado ng madaling araw.

Dead on arrival na sa Antipolo Hospital Annex 4 ang biktimang nakilala lang na si Anselmo Alibio dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan habang nadamay naman at nasugatan ang dalawang biktima pa na sina Ronald Baral at Eduardo Garcia.

Samantala, arestado naman ang suspek na nakilala lang na si Archimedes Calub.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police Station, dakong alas-4:41 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa tapat ng isang fast food chain sa Marcos Highway, na sakop ng Brgy. Mayamot, Antipolo City.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nauna rito, sakay si Alibio ng isang tricycle na Kawasaki Barako at may plate number na NO25780, nang pumara sa naturang lugar at bumaba.

Kasalukuyan umano itong nagbabayad ng pamasahe nang bigla na lang itong mabundol ng Mitsubishi Adventure na may plakang NAH 3423 at minamaneho ni Calub, na noon ay patungong Masinag.

Dahil sa impact nang pagkakabundol ay tumilapon ang biktima at tinamaan sina Baral at Garcia na kapwa nasugatan rin.

Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit patay na nang isugod si Alibio.

Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.