Isang obrero ang patay nang barilin ng kanyang kapwa obrero na nakaalitan niya habang sila ay nagtatrabaho sa isang construction site sa Tanay, Rizal nitong Miyerkules ng hapon.

Dalawang tama ng bala sa ulo at katawan ang ikinamatay ng biktimang si Johnny Magallano habang nakatakas naman ang suspek na nakilalang si Marlon Mangubat.

Batay sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, nabatid na dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa construction site sa loob ng isang farm lot na matatagpuan sa Sitio Macaira, Brgy. Sampaloc, sa Tanay.

Nauna rito, kapwa umano nagtatrabaho ang suspek at biktima nang dahil umano sa trabaho ay bigla na lang nagkairingan ang mga ito hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Dito na umano kumuha ng itak ang biktima at tinangkang tagain ang suspek, na mabilis na nakatakbo at nakaiwas sa pag-atake.

Lingid sa kaalaman ng biktima, kumuha lamang pala ng 'di pa batid na kalibre ng baril ang suspek at matapos ang ilang minuto ay bumalik.

Walang sabi-sabing pinaputukan niya ang biktima ng dalawang ulit at saka mabilis na tumakas, bitbit ang armas na ginamit sa krimen.

Tinutugis na ng mga otoridad ang suspek upang panagutin sa kaso.