Sa tulong ng mga concerned citizen at security guards, naaresto ang isang lalaki na sumaksak umano sa isang call center agent gamit ang screw driver sa Barangay Bagumbayan, Quezon City noong Lunes ng gabi, Nobyembre 14. 

Kinilala ng Quezon City Police District ang suspek na si John Hofre Mecedilla Madriaga, 43, residente ng Manggahan, Pasig City.

Ayon sa QCPD, naglalakad ang biktima na si John Harris San Juan Magana, 29, kasama ang isang babae na si Princess Jasmine Canezares sa harap ng E-Commerce Building sa Eastwood dakong 10:00 ng gabi, nang biglang sumulpot sa likuran si Madriaga at pinagsasaksak ito ng ilang beses gamit ang screw driver.

Dagdag pa ng pulisya, hinila ng mga concerned citizen ang biktima palayo sa suspek. Sinubukan pa raw tumakas ni Madriaga ngunit siya ay na-korner ng mga nakamotorsiklo at mga security guard.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Agad na dinala ang biktima sa Quirino Memorial Medical Center ng Barangay Bagumbayan medical team para lapatan ng lunas habang dinala ang suspek sa QCPD Eastwood Police Station (PS 12) para sa imbestigasyon.

Sinabi ng pulisya na sasampahan ng kaukulang kaso ang suspek.

Nagpasalamat naman si QCPD director Brig. Gen. Nicolas Torre III sa mga concerned citizen na nagligtas sa biktima at sa pagkakaaresto ng suspek. 

Aaron Dioquino