Pinatutsadahan ng political pundit na si Ronald Llamas na tila raw online seller si Senate President Alan Peter Cayetano dahil sa madalas na pagla-live stream ng huli sa kaniyang social media account.
Matatandaan kasing naging magulo ang Senado magmula nang bumalik si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at maganap ang kudeta sa liderato noong Lunes, Mayo 11, 2026.
Noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, naganap ang insidente ng putukan sa Senado mula sa mga miyembro ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado at National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagtatangkang pagtugis kay Dela Rosa ng mga awtoridad, alinsunod sa inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) sa nasabing senador.
Matapos nito, nakailang live stream si Cayetano sa kaniyang Facebook page para ipaliwanag ang naganap sa loob ng Senado sa gitna ng kaguluhan, depensahan ang naging kontrobersyal na pahayag ni Sen. Jinggoy Estrada “pagtatago” umano ng mga CCTV sa Senado, naranasan ng majority bloc, panawagan niyang dapat ding mapatawan ng Ombudsman ng suspensyon si NBI Director Melvin Matibag, at iba pang mga usapin.
KAUGNAY NA BALITA: Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, suspendido ng 6 na buwan—Ombudsman
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Jinggoy, ipinaliwanag utos niyang itago ang CCTV noong Senate shooting
Ayon naman sa naging buwelta ni Llamas kay Cayetano sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 16, sinabi niyang tila raw isang live seller ang naturang senador dahil sa naging dalas daw nitong pagla-live sa kaniyang social media.
“Si Cayetano, daig pa ang mga online sellers sa dalas niya mag-live,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa post ni Llamas.
Patutsada ng political pundit, mas malakas pa raw bumenta ang mga masisipag na totoong live seller kumpara sa mga bumili sa kuwento ni Cayetano.
“Ang pinagkaiba, malakas bumenta ang ating masisipag na online sellers. Si Alan Peter, hanggang ngayon, walang bumibili ng kwento niya,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala namang inilalabas na pahayag, reaksyon, o tugon si Cayetano kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'The Senate was under attack!' SP Cayetano, tinaasan ng boses nagtanong sa pamamaril sa Senado