Abulug, Cagayan — Napatay ang isang opisyal ng pulisya na nakabase sa regional office nang paulanan umano ng bala ang kaniyang sasakyan habang pauwi sa kaniyang bahay noong Lunes ng gabi, Nobyembre 7.

Kinilala ang biktima na si Major Rafael Tangonan, residente ng Ballesteros, Cagayan.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa inisyal na ulat, pauwi na si Tangonan habang minamaneho ang kaniyang Toyota Hilux na may plate number na ACA2286, kulay puti, nang paulanan ito ng bala ng baril ng suspek lulan ng Toyota Innova na kulay brown dakong alas-8:00 ng gabi sa Brgy. Libertad.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit ito ay idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Napag-alaman din na nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima sa itaas na bahagi ng katawan nito.

Samantala, bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya para imbestigahan ang nangyaring insidente.

Ayon kay Col. Jovencio Badua, Jr., task force supervisor, titingnan nila ang motibo ng pagpatay.

"Titingnan natin kung ito ay work related, dati siyang Intel officer ng Apayao Provincial Police Office," ani Badua sa Manila Bulletin.