Iniutos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang pagbabalik sa puwesto nina DSWD Region 4A Director Barry Chua at Assistant Director Mylah Gatchalian simula Lunes, Nobyembre 7.
Ito’y matapos na matukoy sa imbestigasyon ng DSWD Central Office na walang naging pagkukulang ang mga opisyal at tauhan ng DSWD Region 4A sa ginawa nilang pamamahagi ng ayuda para sa mga biktima ng bagyong Paeng sa Noveleta, Cavite nitong nakaraang linggo.
Matatandaang una nang sinibak ni Tulfo sa puwesto sina Chua at Gatchalian kasunod ng reklamo ni Noveleta Mayor Dino Chua na ‘pinahirapan’ umano ng DSWD ang mga biktima at hinihingan ng maraming dokumento.
Paliwanag ng kalihim, “wala nang usapin sa pagbibigay ng food packs sa 500 katao na pumila dahil lahat naman ay nabigyan ng pagkain."
“Ang nirereklamo ni Mayor Chua ay tila pinahirapan daw ng DSWD personnel ang mga bibigyan ng cash assistance on that day dahil kung anu-anong dokumento raw ang hinihingi ng mga tauhan namin,” dagdag pa ng kalihim.
“Pero ang policy na namin ngayon ay kapag may kalamidad, kung walang ID, dapat nasa listahan ng LGU (local government unit) 'yung beneficiary o na-endorse ng barangay sa amin,” paliwanag pa ni Tulfo.
Binigyang-diin naman ng kalihim na lumitaw sa kanilang imbestigasyon na sinunod naman ng mga tauhan nila ang procedure na ito.
Sinabi pa ni Tulfo, ang problema sa 500 na dala ng LGU, 200 lang ang nasa listahan nila habang ang 300 ay hindi naman kilala ng mga barangay officials na naroon sa payout site.