Sasagutin ng local government ng Quezon City at Department of Education (DepEd) ang lahat ng gastos sa pagpapagamot ng mga gurong naaksidente sa Orani, Bataan.

Nangako rin ang QC government at DepEd na bibigyan nila ng financial assistance ang kaanak ng babaeng guro na namatay sa naturang aksidente.

Paliwanag naman ni DepEd spokesperson Michael Poa, binabantayan pa rin nila ang sitwasyon ng mga guro, karamihan ay isinugod sa ospital matapos masugatan nang mahulog ang sinasakyang school bus na service ng DepEd sa pakurbadang Vicinal Road, Brgy. Tala, nitong Sabado ng umaga.

“Ang pinakamahalaga po ngayon ay ang condition ng ating mga guro na sakay ng bus," sabi ni Poa.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Nauna nang kinumpirma ng DepEd na isa ang namatay sa aksidente.

Sinabi ng DepEd na galing ang mga guro sa Sinagtala Resort sa Orani kung saan sila dumalo sa isang seminar at pauwi na sa Quezon City nang maganap ang aksidente na isinisi sa pumalyang preno.