Hindi nagamit ng NLEX Road Warriors ang kanilang bangis matapos pulbusin ng Converge, 108-84, sa PBA Commissioner's Cup sa Ynares Center sa Antipolo City nitong Sabado ng gabi.
Nagawa pa ring pabagsakin ng Converge ang Road Warriors kahit pinatalsik sa playing court ang import nito na si Quincy Miller matapos tawagan ng flagrant foul kay Brandon Rosser, 1:18 na lang sa ikalawang bugso ng laban.
Iginiya ni Aljun Melecio sa panalo ang Converge matapos maitala ang isa pang career high na 24 puntos, tampok ang limang tres.
Sa kabila ng pagpapatalsik kay Miller na nakakuha pa rin ng 15 puntos, nakalamang pa rin ng 26 puntos ang Converge.
Nagpakawala naman ng 14 puntos si Jeron Teng upang tulungan si Melecio, habang kumana naman ng 12 puntos ang isa pang kakamping si Justin Arana.
Hawak na ngayon ng FiberXers ang barahang 5-3 habang nalaglag sa 3-3 ang NLEX.