Tatlong katao ang patay matapos na masangkot sa magkahiwalay na aksidente sa Rizal, nabatid nitong Huwebes, Nobyembre 3.

Batay sa ulat ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), isa sa mga nasawing biktima ay nakilalang si Lito Villorente habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang iba pa.

Nabatid na unang naganap ang aksidente dakong alas-8:15 ng gabi ng Miyerkules sa Purok 4, Brgy Calawis, Antipolo City.

Kasalukuyan umanong tumatawid sa kalsada ang biktimang si Villorente nang bigla na lang itong mabundol ng pulang Rusi motorcycle na minamaneho ni Jericho Esto, na noon ay patungo sa direksyon ng Sitio Pangolorin, sa Brgy. Calawis.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Dahil sa tindi ng impact nang pagkakabangga ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima.

Naisugod pa siya sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center ngunit binawian rin ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Samantala, ang ikalawang aksidente ay naganap dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Huwebes sa A. Mabini St., Brgy. Burgos, Rodriguez, Rizal.

Magkaangkas umano ang dalawang di pa nakikilalang biktima sa isang SYM motorcycle na walang plaka at binabagtas ang A. Mabini St., patungo sa San Mateo, Rizal nang makasalubong nila ang Ford Escape, na may plakang WLI 839, at minamaneho ni Kent Dwight Dalapo.

Sinasabing naokupa ng sasakyan ni Dalapo ang lane ng mga biktima na nagresulta sa aksidente at pagkamatay ng mga ito.

Sina Esto at Dalapo ay kapwa nasa kustodiya na ng mga otoridad at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide sa piskalya.