Hindi pa rin inaayos ang mga transmission line na pinadapa ng bagyong Paeng sa Quezon at Aurora.
Sa isang television interview, sinabi ni National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) spokesperson Cynthia Alabanza, hindi pa nila matiyak kung kailan maibabalik ang suplay ng kuryente sa dalawang lalawigan dahil pinag-aaralan pa nila ang sitwasyon.
Karamihan aniya sa kanilang linya ay tinamaan ng mga sanga ng mga punongkahoy na inilipad ng hanging dala ng bagyo.
Kabilang sa mga naapektuhan ang mga customer ng Quezon Electric Cooperative 1 (Quezelco 1) at Aurora Electric Cooperative (Aurelco).
“Dito sa probinsya ng Quezon, mga kustomer ng Quezelco 1, partial transmission services. Ibig sabihin, ang Quezelco 1, hindi pa rin buo ang access sa transmission services ng NGCP,” sabi ni Alabanza.
“Ang Aurelfco remains isolated, ibig sabihin wala siyang natatanggap na kuryente,” sabi ng opisyal.
Idinagdag pa ni Alabanza na nagsasagawa pa rin ng clearing operations sa ilang lugar na naapektuhan ng power outage.