Isa pang bagyo ang posibleng pumasok sa Pilipinas sa Lunes na inaasahang sasalubungin ng bagyong Paeng na lalabas naman ng bansa.

Sa pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang naturang low pressure area (LPA) ay nasa silangan ng Mindanao o labas pa ng Philippine area of responsibility (PAR).

Nilinaw ng PAGASA, kung hindi magbabago ang direksyon ng LPA ay tuluyan na itong papasok ng Pilipinas sa Oktubre 31.

Huling namataan ang LPA 1,250 kilometro silangan ng northeastern Mindanao, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometers per hour (kph), bugsong hanggang 55 kph habang kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kapag nakapasok na ito sa Pilipinas, tatawagin itong 'Queenie' na ika-17 bagyo ngayong 2022.

Inaasahan namang lalabas na ng bansa ang bagyo sa Lunes ng umaga o hapon.

Tinataya rin ng ahensya na hihina na ang bagyo habang tinutumbok nito ang southern China.

Huling namataan ang bagyo 225 kilometro kanluran hilagang kanluran ng Iba, Zambales o 240 kilometro ng Dagupan City sa Pangasinan.

Anang PAGASA, kumikilos ang bagyo pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 kph at may lakas na 85 kph malapit sa gitna at bugso na hanggang 105 kph.