Nasawi ang isang rider habang sugatan ang angkas nito nang makabanggaan ng sinasakyan nilang motorsiklo ang isang sports utility vehicle (SUV) na tupok na tupok naman, sa aksidenteng naganap sa Malate, Manila, nitong Huwebes ng madaling araw.

Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang rider na nagmaneho ng isang SYM Sip, na si Hally Limzon Adon, 35, ng Negros Occidental habang ang back rider niya na si Shelmar Saltiban, 27, ng Malate, Manila ay kasalukuyan pang walang malay sa intensive care unit ng Philippine General Hospital (PGH).

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Samantala, masuwerte namang nakalabas mula sa nasusunog na Subaru Forester ang driver na nakabangga sa motorsiklo na kinilalang si Matthew Asher Rillo, 20, estudyante at residente ng Quezon City.

Sa inisyal na ulat ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong ala-1:40 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa northbound lane ng Taft Avenue, panulukan ng Remedios St., sa Malate.

Kasalukuyan umanong binabaybay ng SUV ang northbound lane sa Taft Avenue, nang mabangga nito ang kanang bahagi ng motorsiklo na nasa direksyon ng eastward ng Remedios St..

Sa tindi ng impact, nagliyab at tuluyang nasunog ang buong SUV na dahilan upang masunog din ang rider habang ang driver ng Subaru ay nakaligtas.

Ang angkas naman ay bumagsak sa sementadong kalye dahilan upang isugod sa pagamutan.