Naalarma na ang Department of Health (DOH) sa Eastern Visayas kaugnay ng patuloy na pagtaas ng kaso nghuman immunodeficiency virus/acquired immune deficiency syndrome (HIV/AIDS) sa rehiyon.
Nanawagan na rin sa Tacloban City government ang regional office ng ahensya na magtatag ng marami pang treatment hub at care clinic upang matugunan ang lumalalang kaso ng nasabing nakahahawang sakit.
Sinabi ni DOH-regional information officer Jelyn Lopez-Malibago nitong Martes na mayroon na silang 11 treatment hub sa anim na lalawigan at isangprimary HIV care clinic na nasa Ormoc City sa Leyte.
Aniya, kailangan na sa lalong madaling panahon ang mga pasilidad dahil na rin sa paglobo ng bilang ng nakukukumpirmangnahawaan ng sakit sa Eastern Visayas mayroong populasyon na 4,603,985.
Natuklasan sa surveillance data ng DOH, aabot sa 20 panibagong kumpirmadong kaso ng sakit ang naitala sa rehiyon nitong Agosto.
Naalerto rin ang ahensya dahil na rin sa naitalang 95 na namatay sa sakit ngayong taon, kabilang na ang tatlo nito lang Agosto.
Nasa 1,536 kaso ng sakit ang naitala ng ahensya mula nang matuklasan ang unang kaso nito noong 1984.
“This increase is 150 percent higher compared to the cases noted in July 2022 and 60 percent higher than the cases of the same time period of the previous year,” ayon kay Malibago.
Isinisi ang pangunahing sanhi ng sakit sa male-to-male sex, multiple sex partners, at pakikipagtalik sa kaparehong kasarian.
PNA