Umani ng batikos ang pagkakatalaga kay dating Philippine National Police (PNP) chief Camilo Cascolan sa Department of Health (DOH) kamakailan.
Kabilang sa pumalag sa appointment ni Cascolan bilang undersecretary ng DOH ang Alliance of Health Workers (AHW), at ACT Teacher's Party-list Rep. France Castro.
Isa aniyang "insulto at sampal" sa mga eksperto ang hakbang ng gobyerno na ipuwesto si Cascolan sa DOH dahil mas marami pa umanong mas kuwalipikado para sa nasabing posisyon.
"Cascolan’s appointment is a huge insult to our health experts who are most qualified to administer and run the affairs of the DOH," reaksyon naman ng AHW.
"What is Gen. Cascolan's qualification for the health portfolio anyway? Mamanmanan ba niya ang mga progresibong health workers groups o babarilin ba niya ang COVID virus?" pagtatanong naman ni Castro.
Nanawagan din ito sa Malacañang na pag-aralan muli ang pagkakatalaga kay Cascolan para na rin sa "kaligtasan at kapakanan ng sambayanan."
Iminungkahi naman ni Akbayan spokesperson RJ Naguit sa pamahalaan na bawiin ang appointment ni Cascolan dahil hindi umano trabaho ng "isang amateur at first timer" ang pagbabantay sa kalusugan ng mamamayan sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019.