Magbibigay ng ₱8.6 milyong humanitarian aid sa Pilipinas ang isang international organization para mga lugar na napinsala ng bagyong 'Karding' kamakailan.
Sinabi ng European Union (EU) na ang nasabing tulong ay pakikinabangan ng mga lugar na naapektuhan nang husto ng naturang bagyo.
Inaasahang makikinabang din sa tulong ang 35,000 residente ng Central Luzon at Calabarzon (Region 4A) na hinagupit ng bagyo.
Makikinabang din sa pondo ang Philippine Red Cross para sa pamamahagi ng mga emergency relief items, pagkain, container ng tubig at hygiene kits sa mga binagyo.
"Multi-purpose cash grants will be provided to allow people to meet their basic needs. The funding will also contribute to providing medical support to those injured by the storm and repairing schools," ayon sa organisasyon.
Matatandaang hinagupit ng bagyo ang malaking bahagi ng Central Luzon at iba pang lugar nitong nakaraang buwan na nag-iwan ng matinding pinsala sa sektor ng agrikultura at ikinaapekto ngmahigit sa 70,000 indibidwal.