Nanawagan na si Philippine vaccine expert panel head, Dr. Nina Gloriani, sa publiko na magpa-booster shots na laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa gitna ng banta ng Omicron XBB subvariant at XBC variant.
“Doon sa booster, kung ano po ang meron tayo, wag nating hintayin yung tinatawag na bivalent. Kung dumating then fine, ano po, pero kung ano yung meron ngayon, importante na makapagbooster ang marami kasi nga nakakataas yun ng proteksyon natin, yung level ng protection, even against the variants,” sabi ni Gloriani sa isang television interview nitong Miyerkules.
Ang apela ni Gloriani ay kasunod na rin ng pahayag ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nasa bansa na ang Omicron XBB subvariant at XBC variant.
Pinayuhan nito ang publiko na huwag nang hintayin ang Bivalent vaccine booster na panlaban sa original strain at Omicron subvariants ng virus.
Paliwanag ni Gloriani, mabisa rin aniya ang mga bakuna na nasa bansa sa pagbibigay ng proteksyon sa mga matuturukan nito laban sa iba't ibang variant ng Covid-19.
“Importante po na maiangat ulit natin 'yung level ng proteksyon natin, nakatutulong po 'yung booster. Talaga, makikita natin ang datos nito, hindi lang sa pagtaas nung ating mga antibodies, kundi 'yung T-cells na tinatawag natin na siyang mass effective against severe form, especially ng COVID,” aniya.
Ikinatwiran naman ni infectious diseases expert Dr. Rontgene Solante natukoy ang XBB at XBC variants sa mga lugar na mababa ang porsyento ng nabakunahan at naturukan ng booster.
“So that’s already a sign na, pag mababa ang boostered population, there’s always a higher risk na tataas ang kaso, at mataas yung mga mutated COVID virus, doon mag-uumpisa," pahayag pa nito.