Anim na lugar sa Luzon ang isinailalim na Signal No. 1 dahil sa bagyong 'Neneng' na huling namataan sa Philippine Sea nitong Sabado.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), kabilang sa inilagay sa Signal No. 1 ang Batanes, Cagayan, kabilang na ang Babuyan Islands, northern portion ng Isabela (Santa Maria, San Pablo, Maconacon), Apayao, northern portion ng Abra (Tineg), at Ilocos Norte.
Huling namataan ang bagyo 510 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan.
Kumikilos ito pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 15 kph, taglay ang hanging 55 kph malapit sa gitna at bugsong hanggang 70 kph.
Babala ng PAGASA, asahan na ang lakas ng hanging 39 hanggang 61 kilometer per hour at matinding pag-ulan sa susunod na 36 oras.
Sa pagtaya ng ahensya, mararanasan ang matinding pag-ulan sa Batanes at Cagayan, kabilang na ang Babuyan Islands hanggang nitong Sabado ng gabi.
Inaasahang kikilos ang bagyo at tatahakin ang Luzon Strait sa Linggo.
Posible pa ring mag-landfall ang bagyo sa bisinidad ng Babuyan Islands o Batanes sa Linggo ng umaga.
Inaasahang lalabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo sa Lunes, Oktubre 17.