Hiniling ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa Senado hinggil sa nangyaring panghohostage kay dating Senador Leila de Lima noong Oktubre 9.

Ang imbestigasyon ay parte ng oversight powers ng mga mambabatas na siguraduhing maayos ang pagpapatupad ng seguridad at kaligtasan sa loob ng Camp Crame.

"Nagpakita man ng mabilis at decisive action sa gitna ng isang crisis situation ang ating mga pulis, ipinamulat sa atin ng insidente na may mga pagkukulang ang hanay ng ating mga kapulisan sa pagganap ng kanilang mandato na mapigilan ang mga krimen, sa pagpapatupad ng batas, pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak ng kaligtasan ng publiko," ani Estrada.

Inihain ng senador ang Senate Resolution No. 258 na humihiling sa naangkop na komite na pangasiwaan ang imbestigasyon, in aid of legislation, sa tangkang pagtakas ng tatlong bilanggo at ang nangyaring hostage taking sa loob ng Custodial Center ng PNP national headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Bilang ng operasyon ng POGO sa bansa, bumaba sa 17 bago matapos ang 2024

Binigyang-diin ni Estrada, hindi na dapat maulit muli ang karahasang insidente sa loob mismo ng kampo ng kapulisan.

Bunsod na rin sa nasabing pangyayari, nagpahayag ang senador ng pagkabahala sa mga alegasyon ng pagmamaltrato ng mga bilanggo at ang mga bintang na binitiwan ng bilanggong si Feliciano Sulayao Jr. nang kanyang gawing hostage si dating Sen. Leila de Lima.

Si Sulayao at dalawa pang kapwa detainees na kasamahan sa Abu Sayyaf Group at Dawlah Islamiya terrorist group na sina Arnel Cabintoy and Idang Susukan ay nagtangkang tumakas sa maximum security compound ng Custodial Center noong Linggo.

"Ang organisasyon ng pulisya ay dapat nanghihikayat ng pagkakaroon ng tiwala sa kanilang hanay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mahigpit na pamantayan sa mga security protocol sa mga pasilidad ng PNP, may sapat na pagsasanay at kapasidad ang mga opisyal at tauhan nito, may makataong pagtrato sa mga taong nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya at may paggalang sa mga paniniwala sa relihiyon at kultura," sabi poa ng mambabatas.