Nagpakawala na ng tubig ang Bustos Dam sa Bulacan nitong Miyerkules bilang paghahanda sa hagupit ng bagyong Maymay.
Sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), binuksan ang tatlong gate ng dam kung saan nagpaapaw ito ng 112 cubic meter per second.
Katwiran ng PAGASA, nasa 16.95 meters ang water level ng nasabing imbakan ng tubig at posible itong tumaas sa paghagupit ng bagyo na inaasahang magpapaulan, hindi lang sa nabanggit na lalawigan kundi sa lima pang lugar.
Nauna nang inihayag ng ahensya na magpapakawala rin ng tubig ang Magat Dam sa Ramon, Isabela dahil sa inaasahang malakas na ulan susunod na 24 oras.
Pinaghahanda na rin ng PAGASA ang mga bayan sa Bulacan sa inaasahang pagtaas ng tubig sa kanilang lugar dahil na rin sa pagpapaapaw ng tubig.