Tatlong katao ang kumpirmadong patay habang tatlong iba pa ang sugatan, nang tambangan ng mga 'di kilalang salarin ang kanilang convoy sa Antipolo City nitong Linggo ng gabi.
Dead on the spot ang tatlong biktima na nakilalang sina Dennis Payla, Rodolfo dela Rosa, at isang alyas Andrei Mosquete.
Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang mga sugatang biktima na sina Eduardo Dumangas, Avelina Dumangas, at isang alyas Gemima Amores.
Inaalam pa naman ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin sa krimen, na mabilis na nakatakas matapos ang ambush.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, na pinamumunuan ni PLTCOL June Paolo Abrazado,dakong alas-9:20 ng gabi nang maganap ang krimen sa Sitio Cabading, Brgy. Inarawan sa Antipolo City.
Ayon sa pulisya, nagbibiyahe ng naka-convoy ang mga biktima sa Marcos Highway, sakay ng tatlong motorsiklo at isang Honda sedan, nang bigla na lang silang tambangan ng mga suspek, na sakay naman ng tatlong motorsiklo, at pinaulanan ng bala.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa bayan ng Baras.
Sa salaysay naman ng residenteng si MJ Aquino, bigla na lang silang nakarinig ng sunud-sunod na putok.
Matapos nito nakita na lang nila ang kotse na humaharurot papunta sa kanilang direksyon hanggang sa mahulog ito sa may kalalimang hukay.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari para matukoy ang may kagagawan sa krimen at mapanagot sa batas.
Kabilang umano sa kanilang tinututukan ang anggulong posibleng may kinalaman ito sa sigalot sa lupa.