Naharang ng mga awtoridad ang mahigit sa₱8.6 milyong halaga ng puslit na sigarilyo sa magkahiwalay na operasyonsa dalawang bayan sa Western Mindanao kamakailan.
Sa police report, binanggit ni Area Police Command-Western Mindanao operations chief, Col. Richard Verceles, isinagawa ang unang anti-smuggling operation sa Barangay Boyugan West, Kumalarang, Zamboanga del Sur nitong Martes ng gabi na ikinasamsam ng ₱8,170,000 na halaga ng kontrabando.
Sa naturang operasyon, inaresto ng pulisya sina Shariff Adjinulla de Jesus, Adrian Adjinulla de Jesus, at Lauro Ocampo Gonzales nang masamsam sa sinasakyan nilang truck ang 215 kahon ng sigarilyo.
Aminado aniya ang tatlong suspek na nanggaling pa sa Kumalarang ang kontrabando at ididiliber sana nila sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nang maharang sila ng mga pulis.
Sa isa pang operasyon, nasa 47 kahon ng puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱517,000 ang nasamsam sa Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu nitong Oktubre 4 ng gabi.
Nakatakda nang dalhin sa Bureau of Customs ang mga kumpiskadong kontrabando.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek.
PNA