Uumpisahan na ang paghuhukay para sa dalawang istasyon ng subway sa Metro Manila.
Ito ay nang pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang groundbreaking ceremony para sa konstruksyon ng Ortigas at Shaw Boulevard Stations nitong Lunes ng umaga sa Pasig City.
Nagsagawa na rin ng road closures sa nasabing lungsod para sa proyekto.
Sinabi ni Marcos na kapag natapos na ang 33 kilometrong subway, inaasahang aabot na lang sa 35 minuto ang biyahe mula Valenzuela hanggang Bicutan.
Aniya, aabot din sa 519,000 pasahero ang makikinabang sa proyekto kada araw.
“We fervently hope to soon enjoy the benefits that it brings to the general public… We anticipate helping our people spare themselves from long lines of traffic,” bahagi ng talumpati ni Marcos.
Kumpiyansa rin si Marcos na marami ang benepisyo ng proyekto na kapalit ng pansamantalang abala sa publiko.
Inaasahan naman ng Department of Transportation (DOTr) na makalilikha ng 18,000 trabaho sa susunod na anim na taon ang konstruksyon ng unang underground railway at ng 30.37 ektaryang train depot sa Valenzuela.
Ang proyekto ay pinondohan ng₱488.47 bilyon na utang ng bansa sa Japan International Cooperation Agency (JICA).