Nais ng isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) na maparusahan ang mga nuisance candidate na nililito lamang ang mga botante tuwing eleksyon.

Inilabas ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco ang pahayag nitong Linggo kasunod na rin ng pagpapawalang-saysay sa pagkapanalo ni Henry Teves bilang gobernador ng Negros Oriental sa nakaraang halalan nitong Mayo matapos ma-i-credit sa dating gobernador na si Roel Degamo ang boto ng kalabang si "Ruel Degamo" na napatunayang nuisance candidate.

Paliwanag ng Comelec, ang botong nailipat kay Degamo ay sapat na upang matalo nito si Teves sa pagka-gobernador.

Ang naging hakbang ng ahensya laban sa nasabing nuisance candidate ay alinsunod sa Rules of Procedure ng Comelec.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Pagdidiin ni Laudiangco, kailangan nang gumawa ng aksyon ang Comelec laban sa mga nuisance candidate na naging uso tuwing halalan.

“Isusulong po sa pamamagitan ng administration ni Chairman George Garcia na sana ‘yung mga ganitong bagay ay mai-declare, ma-criminalize po kasi nagiging uso ito. Paulit-ulit na lang kada eleksyon, meron at merong tumatakbo na halos kapangalan, katunog ng pangalan ng mga lehitimong kandidato na ang tanging dahilan ay para gawing mockery ang eleksyon, lituhin ang mga tao,” pahayag ni Laudiangco sa panayam sa telebisyon.

“So, isusulong po ng Comelec na sana ma-criminalize ito nang hindi lang sa boto ang pinaguusapan natin, kundi maparusahan sila ng may pagkakakulong at ma-fine po,” dagdag pa ng opisyal.

Nauna nang nanawagan si Comelec chairman George Garcia sa Kongreso na amyendahan ang rules of procedure laban sa mga nuisance candidate na nagnanais na makapuwesto sa pamahalaan upang matuldukan na ang usapin sa mga ito.