Halos 8,000 na bahay sa Polillo Islands ang napinsala ng Super Typhoon 'Karding' kamakailan.
Sa panayam sa telebisyon nitong Sabado, ipinaliwanag ni Quezon Governor Helen Tan na nangangailangan sila ng construction materials upang makumpini ang mga nasirang bahay.
Naglaan na aniya sila ng ₱30 milyong bahagi ng quick response fund ng lalawigan upang matulungan ang mga apektadong residente.
Bukod dito, napinsala rin ang mahigit sa 300 na bangka sa Barangay San Juan na ikinaapekto ng kabuhayan ng mahigit sa 1,000 na mangingisda.
Napinsala rin ng bagyo ang mahigit sa ₱100 milyong halaga ng agrikultura sa probinsya, ayon sa Provincial Agriculture Office.
Kaugnay nito, gumagawa pa rin ng paraan ang mga opisyal ng Nueva Ecija government upang maibalik ang suplay ng kuryente sa iba't ibang bahagi ng lalawigan.
Matatandaang hinagupit ng bagyo ang malaking bahagi ng Luzon nitong Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw.