Sa isang YouTube vlog, ipinasilip ni Ion Perez ang naganap na kasal ng kapatid kamakailan, at reunion ng kaniyang mga kamag-anak kung saan present din ang asawang si Vice Ganda.

Sa isang intimate church wedding sa Tarlac ikinasal ang kapatid ni Ion na si Eliza sa Koreanong si Seokho noon pang Agosto 21.

Binalikan naman ng “It’s Showtime” host ang espesyal na okasyon sa isang YouTube vlog nitong Huwebes.

Dito, ipinakita ni Ion ang naging mga ganap sa likod ng kasalan kung saan matapos ang matagal na panahon ay reunited din muli si Ion sa kaniyang mga kamag-anak.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Sa vlog, ilang mga tiyuhin, dating kaibigan, pinsan at pamangkin ang ipinakilala ni Ion sa kaniyang mahigit 1.2 million subscribers.

Nagkaroon din ng pagkakataon na makausap ni Ion ang kaniyang bayaw bago nito maharap sa altar ang kaniyang kapatid.

Bagaman hindi nakadalo si Vice sa seremonya ng kasal sa simbahan, humabol ang Kapamilya star sa reception.

Kasama ni Vice Ganda ang anak-anakan nila ni Ion at kapwa “It’s Showtime” host na si Ryan Bang.

Magkahawak kamay, sinundo ni Ion si Vice papasok ng venue na agad namang nakipagdaupang-palad sa malalapit na kamag-anak ni Ion, lalo na sa ina nitong si Zenaida Perez.

Naispatan pa si Mommy Zenaida na ngiting-ngiti na kinakausap si Vice habang magkahawak ang kanilang kamay.

Todo kuha rin ng video si Vice habang masayang isinasayaw ni Ion si Mommy Zenaida.

Sa mensahe naman ng Unkabogable Star sa newly-wed, hiniling niyang maging tapat lang ang dalawa sa kanilang “promise” sa mga pagkakataong masaya o mahirap man.

Basahin: Vice Ganda, binitiwan ang Idol Philippines para kay Ion – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Game na game ding nakipag-picture ang Kapamilya star sa mga kamag-anak ni Ion.

Nagtapos ang vlog sa isang masayang family picture.