Kasunod ng opisyal na pagpirma ni Toni Gonzaga sa ALLTV ng AMBS, usap-usapan ngayon ang umano’y naging offer ng network na halagang P500 million sa actress-host.
Ito ang isa sa mga naging diskusyon ng programa ni Cristy Fermin at Rommel Chika nitong Lunes, Setyembre 12.
“Alam mo na, it's all over the papers, na ang kontrata raw na pinirmahan ni Toni Gonzaga sa AMBS-2, sa AllTV, ay half bilyon pesos o 500 million. Pang ilang programa kaya ito? Alam ko dalawa eh, baka madadagdagan,” ani Cristy.
“Sana all talaga!” sabat ni Rommel habang idinagdag nito ang posibleng “ngitngit” ng mga kritiko ni Toni.
"Teka muna, hindi bago ito. Kung matatandaan mo, ilang taon na ang nakararaan nang pumirma ng kontrata si Sharon Cuneta sa TV5, 1 billion yun, 1 billion pesos ang halaga nun. Kaya yun ang talagang umalingawngaw,” dagdag ni Cristy at muling ipinuntong hindi na bago ang halaga ng kontrata.
Dagdag ni Cristy, opisyal na ilulunsad ang ilang programa sa brand new network sa isang soft opening sa Martes, Setyembre 13.
Nauna nang nakumpirmang mapapanuod sa ALLTV ang sikat na YouTube program ni Toni na “Toni Talks.”
Tampok sa pilot airing nito ang ikalawang panayam ni Toni kay Pangulong Bongbong Marcos.
Nauna nang inilantad nina Willie Revillame, at Mariel Padilla, bukod sa iba pa, ang kanilang pagpirma ng kontrata sa nasabing network.
Ang Advanced Media Broadcasting System o AMBS ay pagmamay-ari ng bilyonaryong negosyante at dating mambabatas na si Manny Villar, na ama rin ng senador na si Mark Villar.
Noong Enero nang mapabalitang nasungkit ng AMBS-2 ang nakatiwangwang at dating frequency ng ABS-CBN na Channel 2.