Tinangka umanong dukutin ng isang hindi nakikilalang lalaki ang isang Grade 4 pupil na babae sa isang paaralan sa Cabanatuan City, kamakailan.

Sa Facebook post ni Barangay Camp Tinio chairwoman Annie Pascual, ang insidente ay nangyari umano sa tapat ng Camp Tinio Elementary School nitong Setyembre 8.

Isinasakay umano ng isang lalaki ang bata sa isang motorsiklo, gayunman, nakawala ang estudyante kaya kaagad na tumakas ang suspek.

Natulala aniya ang bata at umiiyak pa nang samahan ng mga magulang nito na magpa-blotter sa mga awtoridad.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi aniyang estudyante na "babalikan pa siya ng lalaki kinabukasan."

Sa paunang imbestigasyon naman ng Cabanatuan City Police, nahagip ng closed-circuit television (CCTV) camera ang pagpasok ng lalaki sa gate sa likod ng paaralan.

Pumasok umano ito sa classroom matapos magpakilala na "susunduin lamang ang kanyang anak."

Nagpahayag naman ng pangamba ang mga magulang dahil posibleumanong mangyari sa kanilang mga anak ang insidente.

Nanawagan din sila sa pulisya na magkaroon ng police visibility o magbantay sa palibot ng mga paaralan upang hindi na maulit ang insidente.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente upang matukoy ang suspek.