Isang lalaki, na umano’y naglayas mula sa kanilang tahanan, ang natagpuang patay at tadtad ng saksak sa loob ng isang sementeryo sa San Mateo, Rizal nitong Linggo.

Ang biktima ay nakilalang si Jayson Honorio, 22, isang construction worker, at residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station,  pasado alas-6:00 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima na duguan at nakasalampak sa isang museleo sa Gen. Luna St., ng Himlayang Katoliko, na matatagpuan sa Brgy. Sta. Ana, sa San Mateo.

Anang mga imbestigador, tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima ngunit blangko pa ang mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng krimen.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sa salaysay sa pulisya ng ama ng biktima, na hindi na nagpakilala, may tatlong linggo na umano ang nakakaraan nang maglayas ang kanyang anak matapos na mapagalitan ito dahil sa pakikipagbarkada.

Sinabi naman ng kapatid ng biktima na kalalaya lamang nito matapos na makulong kamakailan dahil sa paglabag sa curfew.

Patuloy ang imbestigasyon para sa ikareresolba ng kaso.