Pinapayuhan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga motorista na iwasan muna ang bahagi ng north at southbound portions ng Meralco Avenue sa Pasig City dahil nakatakda itong isara simula sa susunod na buwan.

Ito, ayon sa DOTr, ay upang bigyang-daan ang pagsisimula na ng kontruksiyon ng Metro Manila Subway Project (MMSP) - Shaw Boulevard Station.

Sa paabiso ng DOTr, nabatid na ang naturang road closure ay sisimulan sa Oktubre 3, 2022 at magtatagal hanggang sa taong 2028.

Masasakop ng road closure ang harapang bahagi ng Capitol Commons hanggang sa kanto ng Shaw Boulevard.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Nabatid na ang Meralco Avenue ang magsisilbing access point ng proyekto sa Shaw Boulevard Station ng subway.

Sinabi ng DOTr na maaaring dumaan muna ang mga motorista sa mga alternatibong ruta na tinukoy ng Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at ng mga city governments ng Pasig at Mandaluyong.

Anang DOTr, ang mga Public Utility Jeepneys (PUJ) na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Captain Henry Javier St., patungong Danny Floro St. at pabalik.

Ang mga modernized jeepneys naman na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Doña Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue at vice versa habang ang mga UV Express Vehicles/Units na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Doña Julia Vargas Avenue patungong San Miguel o Anda Road patungong Camino Verde.

Ang mga pribadong sasakyan naman ay maaaring dumaan sa mga rutang accessible sa kanila.

Ang MMSP na tinaguriang “Project of the Century,” ay ang kauna-unahang underground mass transit system sa bansa.

Ang naturang modernong railway system, na pinondohan ng Japanese government, ay may habang 33-kilometro at siyang magdudugtong sa Valenzuela City patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Sa tulong ng naturang subway system, ang travel time sa pagitan ng Quezon City at NAIA ay mababawasan ng mula sa dating isang oras at 10 minuto, ay magiging 35 minuto na lamang.

Sa sandaling maging operational,dadaan ito sa walong lungsod sa Metro Manila, gayundin sa tatlong central business districts, at maaaring makapagserbisyo sa may 370,000 pasahero kada araw.