Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang pasabog at pagbasag sa katahimikan ng vlogger na si "Pambansang Kolokoy" o Joel Mondina, matapos niyang aminin sa kaniyang mga subscribers, na hiwalay na sila ng misis na si Marites Mondina, na lagi niyang kasama sa kaniyang mga vlog.

Isang vlog na pinagamatang "Peace of Mind" ang kaniyang inupload sa YouTube channel noong Agosto 28, upang ilahad sa kaniyang mga tagahanga at tagasubaybay ang kanilang sitwasyon ngayon ni Marites. Sinimulan niya ang vlog sa pagpapasalamat sa kaniyang mga subscribers.

"Yes, mga kaibigan, me and Marites are no longer together. Wala na po kami ni Marites," pag-amin ni PK.

Ayaw pa sanang magsalita ni PK dahil sa prosesong pinagdaraanan nila, subalit minabuti na niyang magsalita at magpaliwanag dahil dumarami ang mga nagtatanong sa kaniya.

Tsika at Intriga

Mark Andrew Yulo, naniniwalang babalik sa kanila ang anak na si Carlos

Inamin ni Pambansang Kolokoy na may karelasyon na siyang iba, at masaya sila sa piling ng isa't isa.

"Yes, I'm with someone else now, and we're happy. Masaya kami. At hindi naman po ako nagsisisi na nangyari 'yon…"

Ayaw raw niyang magsalita ng hindi maganda tungkol kay Marites lalo at may masasayang pinagsamahan naman sila at ina ito ng kaniyang mga anak.

May mga bagay raw na nangyayari sa kanilang personal na buhay na hindi na nila ipinaaalam at ipinakikita sa vlog; kaiba sa mga nakikita at napapanood ng mga tao, na masayang-masaya sila. Marami raw mga nangyayari sa likod ng camera na hindi alam ng mga tao, at minamabuti na nilang hindi ipinakikita sa kanilang vlog.

Sinagot din ni PK kung kumusta naman ang relasyon niya sa mga anak nila. Sinabi naman niyang okay sila at maayos ang kanilang relasyon.

"They are very okay. Lahat po ng gusto nila, lahat ng hilingin nila, kahit na hindi ko kaya, kinakaya ko. Dahil anak ko po ang mga iyon, mga bestfriends," pahayag niya.

"Hindi po ako pabayang ama… hindi ko po pababayaan ang mga anak ko. Hindi ko rin naman sisiraan si Marites…" aniya pa.

Hindi rin umano namimilit si PK na manatili ang kaniyang mga subscriber dahil sa mga nangyari, lalo't marami-rami ang mga nagsabing ngayong wala na si Marites sa kaniyang vlog, hindi na nila siya susuportahan.

Nangako naman si PK na hinihintay lamang niyang matapos ang binanggit niyang prosesong pinagdaraanan nila, at pagkatapos niyon ay maglalabas pa siya ng iba pang mga video.

Marami sa mga tagahanga at tagasubaybay nila ang labis na nalulungkot sa mga nangyari.

Ngunit ngayong Setyembre 3, 2022, Sabado, muling ibinahagi ni PK ang isa sa mga vlog nila ni Marites na nilagyan niya ng caption na "Dinakdakan".

Sa comment section, dumagsa ang mga komento ng netizens na sana raw ay magkabalikan at magkaayos na sila. May mga umaasam-asam na sana raw ay prank lamang ang lahat.

"Sana magbalikan kayo, sayang ang 20 years na pinagsamahan n'yo."

"Ito yung totoong minahal namin sa inyo. Pambansang Kolokoy is not Pambansang Kolokoy without Marites, vice versa. Sana nga prank lang lahat, kasi parang mas broken-hearted pa kaming mga fans sa nangyari."

"Hiwalay man sila o hindi, wala na tayong pakialam diyan, sarili nilang buhay 'yan… panoorin na lang natin sila."

"Kasi mas maraming views, pag kasama si Ma'am Marites kaya nire-post."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si PK o si Marites sa mga nagsasabing baka prank lamang daw ang kanilang hiwalayan.