Hindi komunsulta sa Department of Health (DOH) ang Cebu City government kaugnay ng kautusang hindi obligadong magsuot ng face mask sa lungsod.
"We were never consulted on this matter, regarding this removal of face masks outdoors and this executive order that they're going to issue," banggit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules.
Gayunman, sinabi ni Vergeire na nasa Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang usapin.
"Hindi po puwede na may isang lugar sa ating bansa na nagpapatupad ng kanilang [sariling] protocol, samantalang the rest of the country are implementing the other side of the protocols or magkaiba," giit ng opisyal.
Aniya, maraming madadaanang papasok ng bansa kaya posibleng tumaas pa rin ang panganib ng hawaan, hindi lamang ang mga residente ng lungsod, kundi pati rin ang mga biyahero.
"Let us do this with a one-nation approach na hindi po tayo magkakaniya-kaniya. Let us try to follow our protocols right now. We will further study after this kung maaari na kapag nakita natin na nakapagbigay na tayo ng adequate protection to our population through our vaccinations," sabi pa niya.
Nitong Martes, inilabas ni Cebu City Mayor Michael Rama ang kautusang hindi na nag-oobligadong paggamit ng face mask laban sa coronavirus disease 2019.
Idinahilan ni Rama, umabot na sa 110 porsyento ang vaccinate rate ng lungsod at napatunayan na ring epektibo ang bakuna laban sa virus.